MY JOURNEY

By Rev. Fr. Eduardo “Educ” C. Apungan, CMF

Nagsimula ang kuwento ng aking bokasyon bilang isang pari noong ako ay nasa high school. Isa sa mga dahilang tumulak sa akin para piliin ang bokasyong ito ay yung pagsali ko sa maraming mga aktibidad sa aming simbahan at paaralan na isang Katolikong institusyon. Nakita ko yung pagpapalalim sa paglilingkod. Hindi lang yung ideyalismo na maglingkod sa tao kundi hanggang sa pamamaraan ng misyon ng simbahan. Noong nasa iskwelahan pa ako, nadidinig ko na ang kampanya tungkol sa bokasyon ng diyosesis namin at ng mga kongregasyon. Sa kinalaunan, namulat ako sa misyon, karisma at ispiritwal na layunin ng Claretian Congregation. Kasama dito ang misyon nila sa periphery, pati sa Zamboanga, Basilan, hanggang sa mga pinakamahihirap na lugar sa iba’t ibang parte ng mundo.

Bago ako naging kura paroko ng IHMP, marami na rin akong naging katungkulan. Ang pinakamahirap na bahagi ng aking misyon noong mga unang taon ng aking pagkapari ay yung pagtalaga sa akin sa probinsiya o maliit na kanayunan. Ngayong nasa parokya na ako sa isang malaking siyudad, nakita ko ang pagkakaiba at mga hamon sa aking bokasyon. Sa probinsya, konti lang ang tao pero malawak ang lugar. Walang masyadong problema at simple lang ang mga pangangailangan at organisasyon ng simbahan. Pagdating naman sa parokya na nasa siyudad, mas maraming organisasyon at ministries. Mas kailangang matutong makisama at maglingkod sa mga parokyanong nabibilang sa iba’t ibang katayuan sa buhay na may magkakaibang pananaw.

Naging makulay agad ang mga unang araw ng aking pagkatalaga sa IHMP bilang kura paroko. Pumutok ang Bulkang Taal. Dahil ang IHMP ang pinakamalaking parokya ng mga Claretiano, ito ang naging sentro ng pagtulong ng kongregasyon. Binigay sa akin ang misyon na itayo at itaguyod ang Claretian Province Emergency Response Team. Matapos namin matulungan ang mga biktima ng Bulkang Taal, di nagtagal ay sumunod na rin ang pandemya ng Covid-19. Ngunit hindi lang ang pandemya ang aking inasikaso kundi pati na rin ang mga biktima ng Typhoon Ulysses. Maraming kalamidad ang nangyari nung nakaraang taon at dahil may mga donors at collaborators na handang tumulong, akala ko madali lang magpatakbo ng isang malaking parokya. Ngunit dahil na rin sa tagal ng pandemyang ito, ang naging malaking hamon para sa akin ay kung papaano ko ipagpapatuloy ang serbisyo ng IHMP sa ating mga parokyanong apektado na rin ng pandemya.

Patungkol naman sa community pantry, hindi naman tayo ang talagang nagsimula nito. Masasabing malaki ang naging impluwensya ng Maginhawa Community Pantry. Nakita natin ang haba ng pila ng mga tao sa Maginhawa St. at ang sunod-sunod na pag-usbong ng mga pantry sa iba’t ibang lugar kaya naisipan na rin ng IHMP Youth na magtayo ng sarili nating pantry, ang IHMP Claret Community Pantry, noong ika-18 ng Abril. Dahil sa Maginhawa St. nagsimula ang lahat at kung tutuusin ay bahagi ng ating parokya ang Maginhawa St., lalong nangibabaw ang magtayo ng sariling atin. Sa ngayon, siguro mayroong mga sampung community pantries na sa iba’t ibang kalyeng nasasakupan ng parokya ng IHMP. Sa tingin ko, isang magandang layunin ito dahil marami talaga tayong natutulungan na tao hindi lang ang ating mga parokyano kundi pati na rin mga taong nakatira sa malalayong lugar. Sa tingin ko, yung community pantry ng parokya natin ay isa sa mga malalaking community pantries sa Distrito ng Diliman. Dahil nung tumigil ang Maginhawa Pantry ng isang linggo, ang simbahan natin ang ginawang sentro ng bagsakan ng mga gulay mula sa iba’t ibang probinsya. Tayo na rin ang naging daan ng pamamahagi ng mga gulay sa iba’t ibang community pantry na nasasakupan ng ating parokya. Nagkaroon tayo ng mga solidarity networks sa kanila dahil ang mga nag-organisa ng iba’t ibang community pantries ay mga parokyano rin pala ng IHMP. Ang ganda ng pagtutulungan at pagkakaisa dahil ang mga parokyanong ito ay aktibo pala sa ating simbahan, sa ating komunidad at sa ating mga barangay na kinasasakupan ng IHMP.

Ang nakikita ko dito ay isa siyang sagot sa hamon na makatulong sa kapwa, isang tugon na ‘di naman talaga pinagplanuhan. Noong una, naglagay tayo ng mga pagkain sa isang mesa tulad ng sa Maginhawa Pantry at ng naglaon, nakita ko ang bukas-pusong pagbibigay ng mga tao dahil sa kagustuhan nilang tumulong sa kanilang kapwa. Nakita ko ang kabutihang-loob ng marami. Sa atin sa simbahan, ibinibigay natin kung ano yung naitulong ng mga donors kaya ang talagang bumuhay at mapanatili ang pantry ay ang kabutihang-loob ng mga tao. Pangalawa, napakahalaga ng mga volunteers na nag-aalay ng sarili nila para maitaguyod ito. Isang bagay muli na di naman talagang pinagplanuhan ang pagtulong. At ang pangatlo, siguro ay nakita natin yung pangangailangan na tumugon.

Sa tingin ko, hanggat nangingibabaw ang tatlong dahilan na ito, hangga’t may nagbibigay, may naglilingkod, at may nangangailangan, magpapatuloy ang ating IHMP Claret Community Pantry. Hanggang kailan? Hindi natin alam! Ngunit kung may mga tao pa ring handang magbigay, hanggat may nangangailangan at may mga taong gustong maglingkod sa kapwa, siguradong buhay na buhay pa rin ang ating pantry. Hindi nga ito isang organisasyon ng IHMP. Sa katunayan, hindi ito pinamumunuan ng kahit anong ministry ng simbahan. Itong nagsimula lamang sa isang ideya ng ating IHMP Youth sa kagustuhan nilang tumulong kasama ng tatlong bagay na nasabi ko ay paninigurong hindi mawawala ang ating community pantry mula noon hanggang ngayon.

Siguro ang mensahe ko sa lahat ngayong panahon ng pandemya, una, maging mulat tayo! Alamin natin ang mga nangyayari sa ating paligid. Dahil kung mulat tayo, diyan magsisimula kung paano tayo makakatulong at kung ano ang ating magagawa para makatulong sa kapwa. Pangalawa, maging bahagi tayo sa pagtugon. Kung may mga hadlang para ‘di tayo makapunta sa simbahan para tumulong, pwede din namang makatulong sa ibang paraan basta gugustuhin natin. Pangatlo, maliban sa kamulatan, pakikibahagi at pag-uunawa, ang importante ay huwag din tayo mawalan ng pag-asa at pananampalataya sa Diyos. Nandyan lang ang Diyos. Kung ano mang pagsubok ang dadaanan natin sa buhay, malaking bagay ang maging mulat, makibahagi, at kumapit lang tayo sa Diyos.